Naganap ang pulong ng UA&P College of Arts and Sciences - Kagawaran ng Filipino at ng Notre Dame de Sion - Philippines (NDSP) tungo sa proyektong salin noong Enero 18 sa Lungsod ng Quezon. Layunin ng proyekto na isalin ang mga dokumento at libro ng NDSP na kanilang ginagamit sa pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang pandaigdigang kongregasyon ng apostoliko at mapagnilay na mga madre ng Sion.
Mahalagang maisalin ang ganitong uri ng dokumento upang higit maunawaan ng nakararaming Pilipino at mapalaganap ang salita ng Diyos sa kasalukuyang panahon gamit ang wikang Filipino. Gayundin, maganda itong pagkakataon upang mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kultura at pananampalataya ng mga madre ng Sion.
Ang proyektong ito ay isang hakbang patungo sa mas malalim na ugnayan ng kultura at relihiyon ng Pilipinas, kung saan magkakaroon ng mas malaking bahagi ang Filipino sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kasama sa ginawang pagpupulong sina Dr. Moreal N. Camba, G. Louise Vincent Amante, G. John Errol Velasco at G. Albert A. Lagrimas ng Kagawaran ng Filipino.#
Larawang kuha mula sa bahay ng mga Madre ng Sion sa Project 3, Lungsod ng Quezon: (Nakaupo mula sa kaliwa) Sr. Elizabeth Burgo, NDS, G. Louise Vincent B. Amante, at Dr. Moreal N. Camba; (nakatayo mula sa kaliwa) G. John Errol Velasco, at G. Albert A. Lagrimas.