Rebolusyong Industriyal 4.0: Talakayan ng Dalawang Guro ng CAS sa Ika-20 Pambansang Seminar ng PASADO
Magbabahagi ng kanilang saliksik ang dalawang guro ng College of Arts & Sciences (CAS) sa ika-20 Pambansang Seminar ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Sina G. Louise Vincent B. Amante ng Departamento ng Filipino at Dr. Leodivico C. Lacsamana ng Humanities Program ay magtatalakay ng kanilang mga saliksik sa naturang seminar. Paksa ni G. Amante ang tungkol sa araling adaptasyon mula maikling kuwento tungong nobela at pelikula ng Mondomanila. Tatalakayin naman ni Dr. Lacsamana ang iba pang mga pagsipat sa pagbasa ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal.
Tema ng nasabing seminar ang “Rebolusyong Industriyal 4.0: Eksplorasyon at Perspektiba sa Wika, Pelikula, at Panitikan”. Bukod kina G. Amante at Dr. Lacsamana, may 16 pang magbabahagi ng kanilang mga saliksik na nakaugnay sa naturang tema. Ang direktor ng nasabing pambansang seminar ng PASADO ay si Dr. Moreal N. Camba, kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng CAS.
Gaganapin mula Setyembre 22 hanggang 23 ang naturang seminar ng PASADO sa National Teachers College, 629 J. Nepomuceno Street, Quiapo, Manila.