Mon, 2 Jun, 2025
News and Events

UA&P Kagawaran ng Filipino nagbahagi ng papel pampananaliksik sa DLSU 8th ICAPS

 

Aktibong nakilahok ang University of Asia & the Pacific sa 8th International Conference on Asian and Philippine Studies (DLSU-ICAPS) ng Dela Salle University na ginanap noong Mayo 29–31, 2025, sa Krisalis-Benilde Retreat and Conference Center sa Tagaytay City.

Tampok ang tatlong guro mula sa Kagawaran ng Filipino na sina Dr. Moreal Camba na nagbahagi ng kaniyang pag-aaral na may pamagat na “Ang Ningning ng Proyektong City Beautiful: Pagbabalik-Tanaw sa Ilang Piling Retrato ng Manila Carnival (1908–1915);” G. Louise Vincent B. Amante sa kanyang pag-aaral na “Mondomanila" mula sa maikling kuwento patungong nobela at pelikula sa kanyang pag-aaral na “Ang Mahaba-habang Paglalakbay ng Mondomanila,” at G. Albert Lagrimas sa kaniyang papel na “AI sa Filipino: Kawastuhan, Kasapatan, Validasyon, at Pagsipat sa Lente ng Wika at Gramatika ng AI Bilang Kagamitang Pampagtuturo sa Filipino.”

Dinaluhan ito ng mahigit kumulang na 400 delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na kinabibilangan ng mga guro, mag-aaral mula sa Senior High School, batsilyer, at gradwadong pag-aaral. Gayundin ng mga guro at propesor mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa buong mundo. Nahati rin ang mga delegado sa iba’t ibang Panel mula A-Y para sa onsite, at panel 1-24 para sa online na mga kalahok. Sa bawat panel ipinamalas ng mga delegado ang kanilang husay sa pananaliksik sa pamamagitan ng pagtalakay ng kani-kanilang mga papel pampananaliksik at pagsagot ng mga tanong batay sa kanilang ginawang pag-aaral.

Naging pangunahing tagapanayam sa unang araw ng kumperensiya si Dr. Ador R. Torneo, dekano ng College of Liberal Arts sa paksang “Advancing Asian and Philippine Studies in the Global Scholarship – Trends, Prospects, and Strategies,” at ikalawang araw si Dr. Feorillo Petronillo Demeterio III, Direktor ng DLSU University Research Coordination Office, sa paksang “Mga Danas at Karanasan sa AI” samantalang tinalakay naman sa online ng mga tagapanayam nina Dr. Gregorio E. H. Del Pilar, Propesor mula sa departamento ng Psychology
ng Unibersidad ng Pilipinas, at Dr. Maria Mercedes E. Arzadon, Kawaksing propesor mula sa Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Pilipinas, at tinalakay ang paksang “Ang Pagsulong sa isang Matibay na Programa tungo sa Edukasyong Multilinggwal sa Pilipinas.”

Muling pinatunayan ng DLSU 8th ICAPS ang kahalagahan ng patuloy na pagsusulat at paglulunsad ng mga makabuluhang pananaliksik mula sa iba’t ibang larang at higit sa lahat ang kahalagahan ng pagbabahagi nito sa lalo pang pagpapayabong ng kultura.

 

Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines
(632) 8637-0912 to 26
Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines (632) 8637-0912 to 26