UA&P Kathaan, matagumpay na inilunsad
Abril 23, 2025 – Lumahok ang mahigit 50 guro at manunulat sa kauna-unahang palihan ng Malikhang Pagsulat sa University of Asia & the Pacific na may pamagat na “Kathaan.” Pinangunahan ito ng UA&P Kagawaran ng Filipino kasama ang Humanities Program ng UA&P College of Arts and Sciences, Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF), Luntian Online Journal, at ng BIGGKAS+.
Isang lektura tungkol sa "Pagsulat ng Malikhaing Di-Katha" ang pinangunahan ni G. Mark Angeles mula sa University of Santo Tomas - Center for Creative Writing, na sinundan ng lektura ni Bb. Beverly Wico Siy ng Cultural Center of the Philippines - Intertextual Division tungkol sa “Pagsulat ng Katha.” Sa hapon, nagkaroon ng worksyap ng mga akda ng mga kalahok (fellow) na sina G. Angeles at Bb. Siy, at mga manunulat-panelista na sina Dr. Ernesto Carandang II at G. Gerome dela Pena, kapuwa patnugot ng Luntian Online Journal. Ang mga piling akda ng mga kalahok ay maaaring mailathala sa Luntian, ang online journal ng PSLLF.
Ang isang araw na panayam at workyap na ito ng Malikhaing Pagsulat ay naglalayon na turuan ang mga guro, mag-aaral, at iba pang interesadong matuto sa pagsulat ng maikling kuwento, flash fiction, at malikhaing sanaysay. Nakibahagi sa gawain ito ang College of Arts and Sciences, Pineda Elementary School sa Pasig, at iba pang unibersidad sa bansa. Ilan sa mga dumalo sa onsite na sesyon ay mula pa sa Subic, Batangas, at Laguna. Samantala, nakibahagi naman sa online na sesyon ang mga mula pa sa Ilocos Norte, Nueva Ecija, Rizal, Albay, Romblon, Palawan, Iloilo, Zamboanga, at Cotabato.
Ang mga panelista mula sa UST Creative Writing Center, CCP - Intertextual Division, at Luntian Online Journal.
Ang mga masisigasig na fellow na nagpaworksyap ng kanilang mga akda.