UA&P Kagawaran ng Filipino, dumalo sa UP Writers Night
Dumalo ang buong UA&P Kagawaran ng Filipino sa taunang Likhaan: UP Writers Night na ginanap sa Gimenez Gallery sa University of the Philippines, Diliman noong Nobyembre 28.
Tampok sa pagtitipon ang mga bunga ng programang Literature for Social Development, kabilang ang serye ng mga proyekto at kolaborasyon ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing at iba't ibang manunulat, artista, at organisasyon. Binalikan din ang mga forum, publikasyon, at palihang nag-ugnay sa iba't ibang manlilikha.
Ang UP Writers Night ay naging makabuluhang okasyon upang makihalubilo at makipagpalitan ng ideya ang Kagawaran sa mga batikan at bagong henerasyon na mga manunulat sa bansa. Naging daan din ito upang muling makibahagi sa mundo ng malikhaing pagsulat at magbigay-inspirasyon upang lumikha ng mga tula, kuwento, at dula sa hinaharap.
Ang imbitasyon ay bunga ng paglahok nina Dr. Moreal Camba (Tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino) at ni G. Louise Vincent Amante sa UP Likhaan: 4th Bienvenido Lumbera Salin-Panitik noong Agosto 2024.