Thu, 14 Nov, 2024
News and Events

UA&P Kagawaran ng Filipino, nakibahagi sa CCP Himig Hiraya

 

Nobyembre 10, 2024 - Nakibahagi ang UA&P Kagawaran ng Filipino sa CCP Himig Hiraya: Mga Awit mula sa Tula ni Rio Alma na ginanap sa Corazon Aquino Hall sa St. Scholastica’s College, Maynila.

Walong (8) tula ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, o kilala sa sagisag-panulat na Rio Alma, ang binigyang buhay sa pamamagitan ng musika nina Propesor Greg Zuniga sa piano, Billy Joel Del Rosario sa flute, at Sim Zuniega sa violin. Kabilang sa mga tulang inawit ang (1) “Pastoral,” (2) “Katulad ng Pipit,” (3) “Kung ang Tula ay Bulaklak,” (4) “Mga Bagyo,” (5) “Ang Guro Ko,” (6) “Dalamhati” (isinalin mula sa Mother’s Grief ni Ofelia Dimalanta), (7) “Mga Laruan,” at (8) “Kasinlinis ng Batis Mo ang Pag-ibig.” Ang direktor ng nasabing pagtatanghal ay si G. Nicolas Pichay, tagapagpadaloy si Rebeca Marquez, at artistic direktor si Dennis Marasigan.

Ginawa naman ang pagtalakay sa mga tula na pinangunahan nina Abner E. Dormiendo, Clarissa Villasin Militante, John Iremil Teodoro, Jazmin B. Llana, Mikka Ann V. Cabangon, Nikka Osorio Abeleda, Paul A. Castillo, at Susan Severino Lara.

Ang programa ay itinaguyod ng Cultural Center of the Philippines - Intertextual Division, kasama ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at St. Scholastica’s College - Manila, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Book Development Month ngayong Nobyembre.

Ang nasabing programa ay pagkilala sa hindi matatawarang ambag ni Rio Alma sa Panitikang Filipino at isang pagsaludo sa kanyang ika-80 kaarawan. Bilang panapos na gawain, nag-alay ng awit ang lahat ng mga nagtanghal at nag-iwan ng tula si Dr. Michael M. Coroza para kay Almario. #

 

Finale: Pinag-isa ng mga mang-aawit, at mga kasapi ng CCP, UMPIL, at LIRA ang kanilang mga boses upang awitin ang “Kasinlinis ng Batis Mo ang Pag-ibig” bilang pagpupugay kay Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario.

 

Sa labas ng bulwagang Corazon Aquino, mula sa kaliwa: G. Louise Amante, Dr. Moreal Camba, Dr. Leodivico Lacsamana, at G. Albert Lagrimas.

Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines
(632) 8637-0912 to 26
Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines (632) 8637-0912 to 26