26YP hinirang bilang may Pinakamahusay na Papel Pananaliksik sa PASADO 2024
Wagi bilang Best Presenter ng kanilang saliksik ang isa sa dalawang koponan ng mga mag-aaral ng 26YP na lumahok sa katatapos na ika-21 Pambansang Seminar-Worksyap ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Hinirang na Best Presenter ang grupo nina Luke Coronel, Patricia A. Cunanan, Ethan Dominic A. Cosiaco, Maria Katrina B. Quilala at Kian John L. Rigor. Ang kanilang pananaliksik na ibinahagi ay pinamagatang “Marite(Gen)Z: Neologismo, Varyasyon, Disinformation, at KaAKOhan; Pagpopook ng Salita sa Larangan ng Humanidades”.
Pinag-aralan ng kanilang pananaliksik ang etimolohiya at ebolusyon ng salitang “marites” na ginagamit sa kasalukuyan bilang neologismo ng “tsismis”. Bukod dito, kanilang ipinook ang paksa sa larangan ng Humanidades at paggamit nito sa panahon ng social media.
“Nakatataba po ng puso ang ganitong karangalan,” ayon kay Coronel, bagaman at kinakabahan sila dahil una nilang paghahapag ito ng kanilang paksa sa ganitong klaseng pagtitipon.
Bukod pa sa kanila, nagbahagi din ng kanilang pananaliksik sina Antoinette L. Angeles, Sandra Ellisha M. Fano, Cristen G. Jacobo, at Martine Isabel P. Leon. Ang ibinahagi nilang pananaliksik ay pinamagatang “Kunig: Ugnayang Kromatiko, Simbolismo at Pampolitikang Kalagayan at Ideolohiya; Pagdalumat ng Salita sa Larangang Pampolitikang Ekonomiya”.
Kasalukuyang nasa ikalawang taon ng Junior College Program ang mga nasabing mag-aaral. Pawang produkto ang kanilang mga pananaliksik ng kanilang klase sa FIL012: Pagbasa at Pagsuri ng mga Teksto tungong Pananaliksik.
Nagsilbing tagapayo ng dalawang grupo si G. Albert Lagrimas mula sa Departamento ng Filipino ng UA&P.
Ginanap ang nasabing seminar-worksyap sa Philippine Christian University sa Taft Avenue, Maynila noong Oktubre 11 hanggang 12.
(Mula sa kaliwa na nakaupo, mga mag-aaral mula sa 26YP): Antoinette L. Angeles, Sandra Ellisha M. Fano, Martin Isabel P. Leon, Cristen G. Jocobo, Maria Katrina B. Quilala, Patricia Noreen A. Cunanan, Ethan Dominic B. Gosioco at Luke Coronel.
(Mula sa kaliwa na nakatayo) G. Albert A. Lagrimas, Dr. Moreal N. Camba, Kian John L. Rigor, G. Louise Vincent B. Amante, G. John Errol Velasco, Bb. Janice April Mercurio at Dr. Leodevico Lacsamana.