16YP Junior College lalahok sa pambansang seminar-worksyap ng PASADO
Lalahok ang mga piling mag-aaral ng 16YP ng Junior College program ng College of Arts and Sciences sa ika-21 Pambansang Seminar ng PASADO o Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro na may temang “EDUKNASYON: Pagtuklas, Pagbaklas at Pagbagtas Tungo sa Matatag na Edukasyon at Nasyon” sa darating na Oktubre 11-12, 2024, na gaganapin sa Philippine Christian University - Manila.
Dalawang pananaliksik ng 16YP ang pumasa sa mahigpit na pagsasala ng mga panelista at dalubguro sa larangan ng Filipino mula sa iba’t ibang unibersidad ng bansa. Ang unang pananaliksik ay mula sa kursong Political Economics na may pamagat na “Kunig: Ugnayang Kromatiko, Simbolismo, at Pampolitikang Kalagayan at Ideolohiya, Pagdalumat ng Salita sa Larang ng Pampolitikang Ekonomiya” na isinulat nina Antoinette L. Angeles, Sandra Ellisha M. Fano, Cristen G. Jacobo, at Martine Isabel P. Leon. Ang ikalawa ay mula sa kursong Humanities na may pamagat na “Marite(Gen)Z: Neologismo, Varyasyon, Disinformation at KaAKOhan, Pagpopook ng Salita sa Larang ng Humanidades” na isinulat nina Luke T. Coronel, Patricia A. Cunanan, Ethan Dominic B. Gosioco, Maria Katrina B. Quilala, at Kian John L. Rigor.
Inaasahang ibabahagi ng mga mag-aaral ang kanilang ginawang pananaliksik sa nasabing kumperensiya sa patuloy na pagsusulong ng pag-aaral ng Filipino at Araling Pilipinas at Intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Ang mga pananaliksik na ito ay produkto mula sa asignaturang Fil 102 o Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto tungo sa Pananaliksik sa paggabay ng kanilang gurong tagapayo na si G. Albert Lagrimas.
Ang PASADO ay isang samahan ng mga dalubhasang guro na may paniniwalang ang pelikula ay isang mabisang kasangkapan sa pagtuturo.
Mga mag-aaral ng 16YP