Thu, 18 Apr, 2024
News and Events

Instruktor ng Departamento ng Filipino, aktibong lumahok sa mga gawaing pansining 

 

Noong hapon ng Marso 16 ay binuksan ni G. Louise Vincent B. Amante, instruktor ng Departamento ng Filipino ng College of Arts & Sciences, ang lektura ukol sa pagsulat ng tula sa Filipino na ginanap sa Loyola Retreat House Spirituality and Retreat Center na nasa Nieves Hills, Angono, Rizal. Nanguna sa lektura ang Angono Tres-Siete Poetry Society (Angono 3/7), isang pangkat ng mga makata sa bayang Angono kung saan tumatayong officer-in-charge si G. Amante. Bahagi ang lektura ng Palihan sa Loyola at ng pagdiriwang ng National Arts Month. Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga guro sa pre-school at day care centers at mga mag-aaral sa junior high school, senior high school, at kolehiyo sa Angono.

Noong Enero 13 hanggang 14 ay pinangunahan ni G. Amante kasama ang Angono 3/7 ang 8th Angono
Writers Workshop. Nagsilbi bilang workshop director ng nasabing palihan si G. Amante. Labindalawang fellows na edad 18 pataas mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigang Rizal ang nakilahok upang magbahaginan ukol sa pagsulat ng balita, editoryal, personal na sanaysay, maikling kuwento, at tula sa Filipino.

Noong Pebrero 4 ay naging bahagi ang Angono 3/7 sa 2024 Pasinaya Open House Festival ng Cultural Center of the Philippines. Ang tema ng Pasinaya ngayong taon ay “Sulong!” na nagbubukas din sa National Arts Month. Bumigkas ng mga tula ang mga kasapi ng Angono 3/7 kabilang si G. Amante sa Literary Hour na ginanap sa Ayala Mall Circuit Lane Event Center.

 

Si G. Amante (nakaupo, ikatlo mula sa kanan) kasama ang fellows at panelists ng 8th Angono Writers Workshop.

Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines
(632) 8637-0912 to 26
Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City 1605, Philippines (632) 8637-0912 to 26